Kalagitnaan ng Disyembre, taong 2007 nang umpisahan kong asikasuhin ang pag-aaplay ko sa abroad. Ipinasa ko ang resume at iba pang dokumento sa isang agency. Kasunod nito’y agad akong tinawagan para sa ilang examinations. Awa ng Diyos, naipasa ko naman. Bago o pagkatapos yatang mag-Pasko ay nakapagpa-medical na ako. At bago matapos ang taong iyon, sinabihan akong “fit to work” na ako.
Ilang dokumento pa ang hiningi sa akin at sa mga ka-batch ko sa unang linggo ng January nang sumunod na taon. Noong araw ding iyon, sinabihan kaming January 17 daw ang flight namin. Bagama’t inaasahan, nabigla ako dahil sinabihan ko sila na kailangan nila akong i-inform dahil may 15-day period policy bago ang effectivity ng resignation ang kumpanyang pinapasukan ko. Nagulat pa sila nang malamang hindi pa pala ako resigned. Dahil sa urgency, kinausap ko ang team leader ko na baka pwedeng i-apply sa akin ang tinatawag na emergency resignation. Hindi pala ganoon kadaling magsabing “Ma’am, I am resigning.” Hindi ko kasi alam kong paano ko uumpisahan. Minahal ko ang trabaho at kumpanyang iyon dahil sa mga ka-trabaho ko. (Sige na, aaminin ko, naluha ako noong nagsasabi pa lang ako.)
Nag-text ako sa pamilya ko ng schedule ng flight ko. Pag-uwi ko, ramdam na ramdam ko ang lungkot sa bahay. Lahat kami ay nag-i-expect na darating ang araw na ito pero sa bilis ng pangyayari, parang kabigla-bigla pa rin.
Hindi nangyari ang emergency resignation pero napagbigyan akong bawasan ang 15-day period policy. Hindi rin natuloy ang flight noong January 17 pati ang January 25 na schedule na sinabi sa amin. February 6 ang naging actual flight namin.
Nandito na nga ako sa kaharian ng Saudi Arabia kasama ang siyam ko pang ka-batch at ilang naging kaibigan na naging pamilya ang turingan sa isa’t-sa.
Labing-walong buwan ang paunang kontrata naming lahat. Ako, nakaka-dalawampung buwan na. Ilan sa batch ko ay nasa bakasyon at ang ilan ay nakabalik na galing bakasyon. Naka-schedule na rin ang ibang umuwi. Ako kaya?
Nag-file ako ng resignation sa boss kong Arabo. August 1 ko pa isinubmit at October 25 sana ang effectivity date. Pero dahil magbabakasyon sya at pumasok pa ang buwan ng Ramadan, puro “Let’s talk about it later” ang ipinangako sa akin ng amo ko. Dumating ang buwan ng October ay hindi ko pa uli makausap tungkol sa resignation ko. Feeling desperate, I sent one e-mail with the copy of my resignation letter and exit form as attachments.
Sa wakas, nagkausap din kami. Ayaw nya akong mag-bitiw sa trabaho. Tila iyon ang dahilan kaya dini-delay nya ang pag-uusap namin. Tatlong bagay ang sinabi kong dahilan: personal (na hindi ko kayang mai-discuss sa kanya), salary at vacation. Dahil walong buwan pa lang daw ako sa departamento nya, hindi pa ako pwedeng magbakasyon sa ngayon pero bibigyan nya daw akong ng magandang bakasyon sa December at gagawan ng paraan ang sahod ko, iyon ang pangako nya. Sinabi kong ilan lamang iyon sa mga rason pero hindi iyon ang primary reason. Sabihin ko daw kung ano ang problema ko, pamilya man o sa trabaho. Sabi pa niya, “I am talking to you as a brother, not as your boss.” “You have a good future here,” dagdag pa niya. Bibigyan nya daw ako ng isang linggo para makapag-isip. Bago natapos ang usapan namin, nasabi kong decided na talaga ako. Kakausapin ko uli sya after one week pero wala nang makapagbabago ng decision ko. Unang araw pa ng Agosto ako nag-file at bago pa iyon, decided na talaga ako. Hindi naman ito overnight decision lamang.
Hindi pa natatapos ang isang linggong palugit ay alam kong may kumausap sa kanya. Ipinatawag nya ako pati ang isang Indianong kasama ko sa trabaho. Naka-schedule na rin for vacation ang Indianong iyon pero nag-adjust para mag-give way sa “bakasyong” ibibigay sa akin. November 14 ang pinili kong flight dahil dalawa sa mga ka-batch ko ang uuwi rin sa ganoong petsa. Kelan daw ako babalik. Hindi agad ako nakasagot pero nakangiting kong sinabi, “Sir, I thought I am not coming back?” Isang ismid ang isinagot nya sa akin sabay tingin sa Indianong kanang kamay nya (kaliwa kasi ako). Sumabat ang Indiano kasi base daw sa pag-uusap namin, bakasyon lang ang gusto ko.
OK, give me 60 days vacation. Ayaw. Masyado daw mahaba. 45 days. Ayaw pa rin. Marami daw trabaho. Wala na akong magagawa. 30 days. OK daw, December 14 dapat nasa office na uli ako.
Desperado ako. Tinanggap ko kahit unfair para sa akin. Ang gusto ko kasi makaalis na.
Hindi nila alam, ayoko at hindi na ako babalik. Ganoong ako ka-decided. (Wag kayong maingay, baka makarating sa kanya e magbago pa ang isip…) Na-overlook nila ang pangunahin kong dahilan ng pagbibitiw: PERSONAL REASONS. Tila hindi na nito kayang tumbasan kung magkano mang dagdag sa sahod ang magagawa nya. Basta ang mahalaga, makakauwi na ako.
Ang saya ko noong mga oras na iyon. Naibalita ko agad sa mga ka-batch ko. Naitawag ko agad sa pamilya ko sa Pinas.
Pero pagtapos nun, habang nakahiga na ako sa kama, matinding lungkot ang naramdaman ko. Noon lang nag-sink in na “this is it. Uuwi na ako at iiwan ko na ang tropa ko dito.” Pinilit kong matulog kasi ilang araw na rin akong puyat pero ang hirap dalawin ng antok. Isang text message ang isi-nend ko sa mga ka-batch ko. Nahawa sila sa nararamdaman ko.

My Batchmates
Iiwanan ko ang Saudi Arabia nang walang malinaw na hinaharap sa pag-uwi ko sa Pilipinas. Hindi ganoon kalaki ang naitabi kong pera (meron nga ba?). Wala akong pending applications sa ibang bansa at lalong hindi ako pwedeng makabalik agad ng Saudi dahil may re-entry visa ako. Hindi naman naging malupit ang kahariang ito sa akin. Ang totoo, nagbigay pa nga ito ng pagkakataon para sa akin upang malinang nang husto ang aking kakayahan. Ang dami kong natutunan, professionally and personally. Naging mabait ang mga naging boss ko lalo na nga itong huli. Ipinakita niyang may tiwala siya sa akin at sa aking kakayahan. Gusto ko lang linawin na hindi siya ang dahilan ng aking pagre-resign. Kung anuman ang dahilan ko, na alam kong kayang-kaya ko namang lagpasan, nakapag-decide na ako. Sabi ko nga, I quit not to LOSE but to WIN the game.
Uuwi na ako. Malungkot man, uuwi na ko.

My Tropapips
Ang naramdaman ko noong araw na sinabing may schedule na kami paalis ng Pilipinas ay katulad na katulad ng nararamdaman ko sa mga oras na ito. Ang lungkot ng pag-iwan sa pamilya at kaibigan sa Pinas noon ay katumbas ng lungkot na bumabalot sa akin ngayon habang iniisip kong iiwan ko na ang mga kaibigan kong tila mahirap nang magkasama-sama muli nang kumpleto. Silang mga istranghero lamang noon pero pamilya ang naging turingan namin sa isa’t-isa ngayon.
***
Naluluha ako habang tinitipa ko ang istoryang ito pero sa loob ng puso ko, masaya ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ko kayo.
Sa mga ka-batch ko: Mike, Jess, Eds, Daddy Yo, Tolits, Mads, Jepoy, Ryan at Emer; pati sa mga naging tropa ko: Chris, Richard, Gilbert, Rogelio, Choi, Wil, Junell, dalawang Rommel, Adonis, Cidney at Alan; at sa lahat ng nakilala ko sa accommodation ko.
Mami-miss ko kayong lahat. Sana magkita-kita tayong muli. Salamat…Paalam.







